Manila, Philippines – Iimbestigahan rin ng National Bureau of Investigation ang mga posibleng anomalya sa Presidential Commission on Good Government na dating pinamumunuan ni COMELEC Chairman Andres Bautista.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, ito ay kaugnay ng mga alegasyon ng asawa ni Bautista na si Patricia na may tagong yaman si Bautista.
Pero bukod sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman, kasama sa sinisiyasat ang posibleng paglabag sa Anti-Money Laundering Act at Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Katunayan, sinabi ni Aguirre na nakikipag-usap na siya sa tatlong commissioner ng PCGG, pero tumanggi na siyang magbigay ng detalye.
Iniutos din ni Aguirre na makipag-ugnayan ang NBI sa AMLC para mabusisi ang mga bank account ni Bautista.
Nauna nang sinabi ng kampo ni Patricia na mayruong ghost employee sa PCGG nuong si Bautista pa ang namumuno sa ahensya.
Itinanggi naman ni Bautista ang paratang at sinabing ang dalawang sinasabing ghost employee ay mga regular consultant ng PCGG nuon at tumatanggap ng 25 libong pisong buwanang sahod.