NBI, iniimbestigahan na rin ang mga nagbebenta ng bakuna laban sa COVID-19 ayon sa DOJ

18

Pinaiimbestigahan na rin ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa National Bureau of Investigation (NBI) ang napabalitang pagbebenta ng bakuna laban sa COVID-19 sa mga lungsod ng San Juan at Mandaluyong.

Ayon kay Guevarra, noon pang Biyernes ay binigyan na niya ng instructions si NBI Acting Chief Eric Distor hinggil sa isasagawang imbestigasyon.


Paliwanag ng kalihim, inatasan niya si Distor na pakilusin ang NBI Order Cybercrime Division at iba pang unit ng bureau upang siyasatin ang nasabing alegasyon.

Bukod sa illegal sale ng anti-COVID-19 vaccines ay pinaiimbestigahan din ng kalihim ang bentahan ng vaccination slots.

Ginawa ng kalihim ang hakbang bilang tugon na rin sa kahilingan ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos na imbestigasahan ng NBI ang insidente.

Kaugnay nito, tiniyak ng kalihim na maglalabas siya ng department order sa NBI upang agad na kumilos ang naturang ahensiya.



Facebook Comments