NBI-Isabela, Naantala ang Pagbibigay ng ‘Clearance’ dahil sa Kawalan Internet Connection

*Cauayan City, Isabela*- Nangamba ang pamunuan ng National Bureau of Investigation-Isabela dahil sa kawalan ng internet connection na dahilan para hindi matugunan ang ilang clearance na sinasadya ng publiko sa nasabing tanggapan.

Ayon kay NBI Provincial Director Timoteo Rejano, simula pa noong nagdaang linggo hanggang ngayon ay wala pa ring suplay ng internet ang kanilang tanggapan kaya’t hindi mabigyan ng dokumento ang mga taong nagsadya sa kanila.

Napag alaman naman na aksidenteng nahagip ng isang truck ang kable ng kuryente na nagsusuplay ng koneksyon sa bahagi ng Development Bank of the Philippines (DBP) sa Lungsod ng Ilagan.


Batay sa kanilang pagsisiyasat, pagkaraang mahagip at maputol ang kable ay sinadyang nakawin umano ang kable ng di pa matukoy na salarin.

Paliwanag pa ni PD Rejano sa publiko na sakaling makaranas ng ganitong uri ng sitwasyon ay mangyaring magtungo sa mga satellite office ng NBI sa Santiago City.

Facebook Comments