NBI, kinasuhan ang suspek sa pagpapakalat ng pekeng impormasyon hinggil sa pagkakaroon umano ng bilyong deposito sa ilang customer ng BPI

Manila, Philippines – Pormal nang sinampahan ng National Bureau of Investigation ng reklamo sa piskalya sa Maynila ang suspek sa pagpapakalat ng pekeng impormasyon na may ilang mga account holder ang nagkaruon umano ng bilyun-bilyong pisong deposito sa kanilang account nang mangyari ang computer glitch sa sistema ng Bank of the Philippine Islands nuong Hunyo.

Kinumpirma ni NBI-Cybercrime Division Chief Head Agent Manuel Eduarte ang paghahain ng reklamo sa Manila Prosecutor’s Office laban kay Daniel Angelo Salasalan na pinagmulan ng unang post sa social media tungkol sa 12-billion pesos na na-credit umano sa ilang mga account sa BPI.

Si Salasalan ay ipinagharap ng kasong falsification by private individuals and use of falsified documents na paglabag sa ilalim ng Revised Penal Code, at paglabag sa Section 4(c)(4) ng Cybercrime Prevention Act na tumutukoy sa online libel.


Binigyan ng bigat ng NBI sa imbestigasyon ang ginawang pag-amin ni Salasalan na gawa gawa lamang niya ang inupload niyang post sa social media.

Si Salasalan ay inimbitahan ng NBI at isinailalim sa pagtatanong.

Nauna nang itinanggi ng BPI na dinoktor at peke ang mga dokumentong kumalat sa social media na nagpapakita na may ilan silang kliyente na nagkaruon ng 12-billion pesos na deposito sa account kasunod ng computer glitch sa kanilang sistema.
tags: RMN News Nationwide The Sound of the Nation, Luzon, Manila, DZXL, DZXL558

Facebook Comments