Kinumpirma ni National Bureau of Investigation (NBI) Spokesman Ferdinand Lavin na out of danger na si Demsen Tan, ang kanilang impormante na tinambangan kahapon ng umaga sa Quezon City.
Ayon kay Atty. Lavin, malaki ang naging kontribusyon ni Tan sa pagbibigay ng mga mahahalagang impormasyon sa kanilang kampanya kontra sa ilegal na droga.
Pasado alas-9:00 kahapon ng umaga nang pagbabarilin si Tan habang sakay ng kanyang SUV sa kahabaan ng Holy Spirit Drive sa Don Antonio, Bgy Holy Spirit sa QC.
Ayon sa mga testigo, patungo sana sa direksyon ng Commonwealth Avenue ang biktima nang tabihan ng isa pang sasakyan ang SUV nito at pinagbabaril ito
Nakalabas pa mula sa kanyang SUV ang biktima at nagtago sa isang grocery store, 50 metro ang layo mula sa crime scene.
Nagtamo ang biktima ng tama ng bala sa kaliwang siko at naisugod ng mga rumespondeng pulis sa pinakamalapit na pagamutan
Bukod sa naturang impormante ng NBI, sugatan din ang dalawa pang indibidwal na tinamaan ng ligaw na bala.