Naniniwala ang National Bureau of Investigation (NBI) na may nangyaring krimen sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera matapos suriin muli ang kaniyang bangkay bago ilibing sa General Santos City.
Ayon kay NBI Deputy Director Ferdinand Lavin, tatlong kahon ng biological samples ang nakuha nila sa re-autopsy sa katawan ni Dacera, na posibleng makatulong sa paglutas sa kaso ng pagkamatay nito.
Aniya, bukod pa ito sa mahahalagang ebidensiya sa crime scene na kanilang narekober.
Limang oras nag re-autopsy ang NBI sa GenSan bago nilibing si Dacera.
Lumalabas na mayroong 100 milliliters ng bodily fluids ang nadiskubre sa second autopsy.
Sumailalim sa DNA analysis ang fluids at organs ni Dacera para malaman kung may presensya ng alcohol o ilegal na droga.
Sinusuri rin ang tissue samples mula sa biktima.
Sa Biyernes, inaasahang lalabas na ang resulta ng mga laboratory test at re-autopsy ng bangkay ni Dacera.