Manila, Philippines – May ongoing operations na ginagawa ngayon ang NBI kasunod ng pagkaka-aresto kay alyas Bikoy.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, ito ang dahilan kung kaya at hindi muna siya nagbibigay ng karagdagang detalye sa pagkakilanlan ng video uploader dahil nga sa pagiging sensitibo ng kaso.
Sinabi pa ni Guevarra na naka-abang din sila sa mga posibleng development pa sa kaso.
Sa ngayon nasa kustodiya ng NBI si alyas ‘Bikoy’ o ang lalaking sinasabing nag-upload ng video sa social media na nag-uugnay sa mga miyembro ng pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa iligal na droga.
Una nang kumalat sa social media ang video na may titulong “Ang Totoong Narco-list” mula sa isang lalaking nakasuot ng hoodie jacket na si alyas Bikoy.
Sa video ni alyas Bikoy na sinasabing dating miyembro ng sindikato ng droga, inakusahan nito ang ilang pang miyembro ng pamilya Duterte at ilang kaalyado ng first family na miyembro daw ng tinaguriang “Davao Group” na sangkot daw sa illegal drug trade.