
Nagtungo ang mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) para ireklamo ang mga indibidwal na iniuugnay sa Ahjay Paws Aftercare Pet Crematorium sa Bacoor, Cavite.
Kasunod ito nang matuklasan na itinapon lang ang mga bangkay ng mga alagang hayop sa iba’t ibang lugar sa San Jose del Monte, Bulacan, sa halip na dumaan sa tamang cremation.
Hindi naman nagbigay ng anumang pahayag ang mga ahente nang dumating sila sa DOJ pero una nang sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na kabilang sa mga inireklamo ay posibleng paglabag sa estafa, at paglabag sa Consumer Act at Ecological Solid Waste Management Act.
Hiniling rin ng NBI ang Immigration Lookout Bulletin Order laban sa mga pangunahing indibidwal na sangkot upang ma-monitor ang kanilang pagbiyahe palabas ng bansa.
Kaugnay nito, nananawagan ang NBI sa iba pang nabiktima ng nasabing crematorium na maghain na rin ng reklamo para mapanagot ang mga nasa likod nito kung saan ang DOJ na ang bahala magsagawa ng preliminary investigation.










