Friday, November 6, 2026

Grupo ng kababaihan na kontra sa pagbisita ni US President Donald Trump sa bansa, magkakasa ng kilos-protesta sa Maynila

Mariing iginiit ngayong Biyernes ng umaga, November 6 ng iba’t ibang organisasyon ng kababaihan, sa ilalim ng “Filipino Women Ban Trump: No to Imperialist Plunder and War” initiative, na hindi welcome si United States President Donald Trump sa bansa, para sa nalalapit na 49th ASEAN Summit.

Ayon sa mga grupo, malaking banta sa soberanya, lupa, kabuhayan, at resources ang nakatakdang pagbisita ni Trump sa bansa, halimbawa na lang ang nakaambang pagpirma sa kasunduan kaugnay ng pagtatayo ng Pax Silica sa Tarlac.

Hindi umano lingid sa kaalaman ng publiko na malaki ang magiging epekto ng Pax Silica sa mga Pilipino, gaya na lang ng mga Aeta community at magsasaka na walang kalaban-labang mapapalayas sa lupang kanilang tinitirhan at mawawalan pa ng kabuhayan, maging ang banta ng pagkaubos ng likas na yaman sa bansa.

Dahil dito, nakatakdang magkasa ng serye ng kilos-protesta ang mga grupo, para tutulan ang nakaambang kasunduan na papasukin ng kasalukuyang administrasyon at ni Trump, gaya ng pagtatayo ng Pax Silica, at ipanawagan na palayasin ang base militar ng US sa bansa, at ipaglaban ang lupa, soberanya, kabuhayan, at karapatan ng kababaihan at kabataan.

Samantala, kabilang naman sa grupo ng kababaihan na lalahok sa kilos-protesta ay ang Kilusan ng Manggagawang Kababaihan, GABRIELA, Center for Women’s Resources, Gabriela Women’s Party, Salinlahi, BAHAGHARI, at marami pang iba.

Facebook Comments