Cavite – Papasok na rin ang NBI sa imbestigasyon sa brutal na pagpatay sa mag-inang Ruby at Shaniah Nicole Gamos ng General Trias , Cavite.
Sa Department Order 797, inatasan ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre ang NBI na magsagawa ng imbestigasyon at case build-up sa pagpatay sa 34-anyos na si Ruby Gamos at 7-taong gulang na anak nitong si Shaniah Nicole.
Ang mag-ina ay natagpuang wala nang buhay sa loob ng kanilang bahay sa Keningston , Brgy. Navarro sa Gen Trias noong Lunes.
Lumabas sa autopsy report na namatay ang ina dahil sa traumatic injuries sa ulo habang asphyxia by suffocation naman ang ikinamatay ng bata.
Pinaniniwalaang tinakpan ng unan ang mukha ng bata hanggang sa hindi ito makahinga.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na pagnakaw ang motibo sa krimen at pinaniniwalaang kilala ng mga biktima ang mga suspek dahil walang nakitang senyales na pwersahang pinasok ang bahay.