NBI, papasok na sa imbestigasyon kaugnay ng illegal drug importation ni Jacky Co

Matapos sampahan ng reklamo ng PDEA sa DOJ, papasok na rin ang NBI sa imbestigasyon ng illegal drug importation ni Chinese importer Zhijian Xu alias Jacky Co.

 

Si Xu ang sinasabing responsable sa pagpupuslit ng P1.8 billion  na halaga ng shabu sa Manila International Container Port.

 

Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, inatasan din niya ang NBI na agad na magsampa ng kaso laban kay alyas Jacky Co sa sandaling may makita silang sapat na basehan.


 

Nilinaw naman ni Guevarra na bagamat may pending na kasong kriminal sa kanya si Co, base sa kumpirmasyon ng Chinese Consul General, wala naman aniyang Interpol Alert laban dito o wala ito sa Interpol Watchlist.

 

Wala rin aniyang hold departure order laban kay alyas Jacky Co kaya pinayagan siya ng Bureau of Immigration na makalabas ng bansa.

 

Una nang inupakan ni Sen. Panfilo Lacson sa kanyang privilege speech ang pagpapalusot daw ng BI kay Co kaya nakalabas ito ng bansa sa harap ng kanyang pagkakasangkot sa illegal drug importation.

 

Magugunitang noong March 22 nasamsam sa pantalan sa Maynila ang 276 kilos ng shabu na nakalagay sa 40-foot container at idineklara bilang plastic resin.

Facebook Comments