Nagpalabas na ng Department Order si Justice Secretary Menardo Guevarra at inatasan nito ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang pag-ambush kahapon sa legal officer ng Bureau of Corrections (BuCor).
Sa Department Order 082 ni Secretary Guevarra, tatlumpung araw lamang ang ibinigay sa NBI para tapusin ang imbestigasyon at isumite ang resulta sa DOJ.
Si Atty. Frederick Santos, ang suspendidong Legal Service Chief ng BuCor ay pinagbabaril ng riding in tandem sa Katihan Street, Barangay Poblacion, Muntinlupa City kahapon.
Susunduin sana ni Santos sa eskwelahan ang kanyang anak nang tambangan siya ng naka-motorsiklong dalawang suspek habang nakasakay naman siya sa kanyang suv.
Magugunitang isa si Santos sa mga ipinatawag sa pagdinig ng senado kaugnay sa isyu sa anomalya sa GCTA (Good Conduct Time Allowance) na nagpapababa ng mas maaga sa sentensya ng bilanggo.
Pinatawan din siya ng Office of the Ombudsman ng anim na buwang suspension without pay dahil sa kwestyonableng pag-release sa ilang preso ng New bilibid Prisons na sangkot sa Heinous crime.
Samantala kahit suspendido ay tumestigo pa si Santos sa senate hearing nuong September 12, 2019 at ibinunyag niya ang tinatawag nilang code of silence sa BuCor kung pinapayagan daw ng BuCor guards ang inmates na magpuslit ng mga ipinagbabawal tulad ng cellphone, alak at babae kapalit ng lagay na 500 hanggang isang libong piso