Pinakilos na ng Department of Justice (DOJ) ang National Bureau of Investigation (NBI) para tumulong sa pag-aresto sa siyam na mga pulis na sangkot sa pagpatay sa apat na sundalo sa Jolo, Sulu.
Kasunod ito ng pagpapalabas ng Jolo, Sulu Regional Trial Court (RTC) ng arrest warrant at Hold Departure Order (HDO) laban sa mga pulis na sangkot sa krimen.
Sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra na inatasan niya ang NBI na tumulong sa pagsilbi ng mga warrant of arrest laban sa mga nasibak na pulis.
Kabilang sa mga tutugisin sina Senior Master Sgt. Abdelzhimar Padjiri, Master Sgt. Hanie Baddiri, Staff Sgt. Iskandar Susulan, Staff Sgt. Ernisar Sappal, Cpl. Sulki Andaki, Staff Sgt. Almudzrin Hadjaruddin, Patrolman na sina Alkajal Mandangan, Mohammed Nur Pasani at Rajiv Putalan.
Una nang nagtalaga ang Korte Suprema ng acting judge na tututok sa naturang kaso habang hindi pa nakakabalik ang mga orihinal na hukom.