Tiniyak ng National Bureau of Investigation o NBI na gumugulong ang imbestigasyon sa kaso ng pagpatay kay Clarin, Misamis Occidental Mayor David Navarro sa Cebu City noong October 6, 2019.
Ayon kay NBI Deputy Director Ferdinand Lavin, nagkaroon na ng partial turnover ng mga ebidensya ang PNP Cebu at sa NBI Cebu, na may hawak ng imbestigasyon.
Ayon kay Lavin, lahat ng mga posibleng anggulo ay iniimbestigahan nila kabilang na ang sinasabing pagka-kasangkot ni Navarro sa ilegal na droga partikular ang pagkakasama niya sa drugs watchlist, ang posibleng kaugnayan sa trabaho bilang alkalde nito ng Clarin at maging ang hinggil sa personal niyang buhay.
Tumanggi muna si Lavin na magkomento hinggil sa kung mayroon na bang person(s) of interest sa kaso.
Bago ma-ambush si Navarro ay naaresto muna ito ng mga pulis matapos na manakit ng isang massage therapist sa Cebu City.
Una nang ipinag-utos ng Pangulong Duterte ang pagsa-sagawa ng imbestigasyon sa pagka-kapatay kay Mayor Navarro.