Kumpiyansa ang pamahalaan na matutukoy ng mga otoridad ang mga nasa likod ng pangha-hack sa website ng gobyerno na www.gov.ph. nitong Miyerkoles.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni National Bureau of Investigation Cybercrime Division Chief Victor Lorenzo na ito ay dahil nangyari na rin ang ganitong insidente noong 2020, at mino-monitor aniya nila ang galaw ng mga hackers.
Aniya, nakikipagtulungan na sila sa Department of Information and Communications Technology kaugnay nito.
Samantala, iginiit ni Lorenzo na wag magpapaniwala sa claims ng mga hacker na mayroon silang mga sensitibong datos na nakuha mula sa ilang database.
Aniya dapat mapatunayan muna ang mga ganitong claims na posibleng wala namang katotohanan, lalo’t kadalasan na dahilan sa hacking ng mga database ay para lamang aniya sa bragging rights.
Matatandaang inako ng grupong nagpakilala bilang Cyber Ph Human Rights, ang hacking activity na ito, bunsod ng pagkasawi ng siyam na aktibista sa CALABARZON kamakailan.