Tinatapos pa lamang ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagsisiyasat nito sa nangyaring “misencounter” sa pagitan ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Quezon City.
Ang naturang insidente ay nagresulta ng kamatayan ng dalawang pulis, dalawang PDEA agents at isang informant.
Ayon kay NBI Deputy Director Ferdinand M. Lavin, wala pa silang inihahaing kaso.
Aniya, nasa final stages pa lamang ng review ng kanilang legal team.
Dagdag pa ni Lavin, patuloy pang ine-eksamina ng mga imbestigador ang ilang natitirang digital forensic evidence.
Nakakuha sila ng cyber warrants para ma-access ang mga cellphone na isinuko para sa imbestigasyon.
Iginiit ng NBI na hindi madali ang imbestigasyon kaya humihingi sila ng pang-unawa sa publiko.