Sinuspinde na ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang implementasyon ng No Contact Apprehension Program (NCAP) sa buong lungsod.
Ito’y bilang pagtalima sa inilabas na Temporary Restraining Order (TRO) ng Supreme Court En Banc kahapon, August 30, 2022.
Mismong si Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang naglabas ng kautusan hinggil sa suspensyon ng NCAP.
Matatandaan na unang inihayag ng Manila LGU, na naniniwala sila na ang tama’t wastong pag-gamit ng makabagong teknolohiya ang siyang daan upang makapagdulot ng mabilis, episyente, at maginhawang serbisyo sa lahat ng mamamayan.
Iginit ng Manila LGU na ang NCAP na ipinapatupad sa lungsod ng Maynila ay bahagi ng programa na naglalayong bigyan ng mga technological solutions ang mga problema sa trapiko at bahagi rin ito ng malawakang automation program.
At mula ng ipatupad ang NCAP sa Maynila noong December 2020, lumalabas sa datos na bumaba ng mahigit sa kalahati ang traffic violations at aksidente sa daan sa buong lungsod.
Nawala na rin ang nangyayaring kotongan at bumilis ang daloy ng trapiko kung saan ipinapatupad ang NCAP.
Bukod dito, naging ligtas ang mga kalsada, hindi lamang sa mga sasakyan kusa mga naglalakad at nagbibisikleta.