Davao City – Walumpung porsiyento nang tapos ang imbestigasyon ng Inter-Agency Anti-Arson Task Force (IATF) sa insidente ng sunog sa New City Commercial Center (NCCC) Mall sa Davao City.
Gayunman, nawawala ang ilang dokumento na kailangan para sa imbestigasyon.
Dahil dito, kakasuhan ng IATF si Davao District Fire Marshal Superintendent Emilio Langkay matapos na bigong maibigay sa task force ang mga dokumento tungkol sa Fire Safety Inspection Certificate ng NCCC Mall mula 2003 hanggang 2017.
Ayon kay Fire Senior Superintendent Jerry Candido – matagal na nilang hinihingi kay Langkay ang nasabing dokumento pero wala pa rin daw siyang maipakita sa kanila.
Dahilan naman ni Senior Fire Officer 2 Ramil Gillado, deputy chief ng Intel And Investigation Section ng BFP-Davao, nabasa at nabulok na ang hinahanap na dokumento dahil sa tulo ng ulan mula sa butas na bubong ng opisina.
Kasong Obstruction of Justice at Infidelity in the Custody of Documents ang pwedeng kaharapin ni Langkay kung magmamatigas pa rin siyang mag-produce ng mga nasabing dokumento.