Manila, Philippines – Sa loob ng dalawang linggo, tatapusin na ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang imbestigasyon sa nasunog na NCCC Mall sa Davao City kung saan halos apatnapu ang namatay.
Ayon kay Fire Superintendent Jerry Candido, team leader nang binuong inter agency task force, aalamin nila kung bakit na–trap ang mga biktima na karamihan ay call center agents.
Sinabi ni Candido na dapat ay mayroong sariling fire exit ang call center company at hindi umasa na lamang sa fire exit ng mall.
Ayon pa kay Candido, may nakuha silang impormasyon na kahit ang fire exit ay napuno ng usok, pero batay sa regulasyon ay smoke proof dapat ang fire exit.
Magugunitang batay sa salaysay ng ilang nakaligtas sa sunog, walang tumunog na fire alarm nang sumiklab ang apoy at hindi din umano gumana ang sprinklers ng gusali.
Tinitingnang sanhi ng sunog ang problema sa electrical connection sa ikatlong palapag ng mall.