Umaasa si Naga City Police Office Director P/COL Felix N. Servita, Jr., na patutloy na makapagbibigay ng kabutihan para sa mga residente ng Naga City ang mga repormang kanyang naipatupad sa panahon ng kanyang panunungkulan.
Ipinahayag ito ng opisyal kaugnay ng kanyang napipintong pagtigil sa serbisyo bunsod ng early retirement application na kanya ng naisumite sa Camp Crame.
Si Servita ay nasa 51-taong gulang pa lamang at kung tutuusin ay pwede pang maglingkod sa loob ng karagdagang limang taon bago mag-retire sa edad na 56 kung saan posible pang tumaas ang kanyang ranggo.
Kabilang sa mga accomplishments ni Servita bilang pinuno ng NCPO ang pagpapababa ng crime volume ng umaabot sa 30 percent kumpara sa mga nagdaang panahon, pag-activate ng Traffic Investigation Unit, pagdagdag ng isa pang Police Station, at pag-formalize ng Theft and Robbery Unit, na ayon sa kanya ay aprubado na ng National Police Commission.
Sa panayam ng DWNX, sinabi ni Servita na inaasahan niya ang mabuting maidudulot ng mga bagay na ito para sa mga mamamayan ng Naga City sa loob ng mahabang panahon kahit siya ay retired na.
Sa isa pang hiwalay na pahayag, sinabi ng opisyal na personal at pampamilya ang kanyang dahilan kung bakit nais niya mag-avail ng early retirement. Sa interview nina RadyoMaN Ed Ventura at RadyoMaN Grace Inocentes, binigyang-diin ni Servita nais niyang pagsilbihan naman ang kanyang pamilya at maalagaan ang kanyang ina; – “para naman makabawi” dagdag pa niya na kung saan bunsod ng kanyang assignments sa iba’t-ibang bahagi ng bansa ay malimit siyang napapalayo sa kanyang mga mahal sa buhay.
Sa ngayon ay inaantay na lamang ng opisyal ang sagot ng Camp Crame kaugnay ng kanyang retirement application na umaabot sa 9 na buwan ang pagpo-proseso.
# dwnx doble pasada
NCPO Chief P/Col Felix Servita, Jr., Magre-retiro na, Kahit Edad 51 Pa Lang, Panahon ng Panunungkulan Hitik ng Accomplishments
Facebook Comments