Bumalik na sa pre-pandemic level ang National Capital Region (NCR) bago pa ang pagtaas ng mga kaso dulot ng mas nakakahawang Delta variant ng COVID-19.
Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, nag-reverse o bumaliktad na ang surge ng Delta variant sa rehiyon bago pa ang pagtataas nito noong Hulyo.
Isa sa pinagbatayan ang average number ng bagong kaso kada araw sa NCR na nasa 630 na lamang nitong October 27 hanggang November 2.
Maliit lamang ang agwat nito sa 627 average number ng bagong kaso na naitala naman noong July 9 hanggang 15.
Bumaba rin sa 0.43 ang reproduction number o bilis ng hawaan sa Metro Manila na mas mababa sa 0.93 na naitala nitong Hulyo.
Ang average daily attack rate (ADAR) naman sa rehiyon ay nasa 4.45 kada 100,000 indibidwal na mas mataas ng kaunti sa 4.43 na naitala nitong Hulyo.
Habang ang pinakamababa ang 7,422 average active cases kumpara sa 15,947 active cases na naitala noong bago pa kumalat ang Delta variant.
Sa ngayon, kumpiyansa si David na posibleng mas maging maayos na ang sitwasyon bansa kumpara sa naranasan noong Marso.