Nakatakdang magpulong ang mga alkalde sa Metro Manila sa Martes kaugnay ng posibilidad na pagsasailalim sa National Capital Region (NCR) sa mas maluwag na COVID-19 restrictions.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) officer-in-charge Romando Artes, pag-uusapan ng mga alkalde ang rekomendasyong ibaba na sa Alert Level 1 ang NCR simula sa Marso.
Pero paglilinaw ni Artes, habang Alert Level 2 pa tayo hanggang sa katapusan ng Pebrero ay dapat pa ring sumunod ang publiko sa health protocols.
Samantala, sa ilalim ng Alert Level 1, papayagan na ang intrazonal at interzonal travel ng mga tao anuman ang edad o kahit may comorbidity.
Makakapag-operate na rin at full capacity ang lahat ng mga establisyemento at aktibidad.
Ang panukalang ibaba na ang NCR sa Alert Level 1 ay kasunod na rin ng patuloy na pagbaba ng naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa rehiyon.
Kahapon, Pebrero 19, nakapagtala na lamang ang DOH ng 1,923 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa para sa kabuuang 3,650,748 kung saan 62,533 na lamang ang aktibong kaso.