Tiniyak ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magiging agresibo ang Metro Manila mayors sa pagtugon sa banta ng Delta variant.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni MMDA Chairman Benjur Abalos na simula kagabi ay nakikipagpulong na sila kina Health Secretary Francisco Duque III at Interior Secretary Eduardo Año hinggil sa mga patakaran na maaari pa nilang ipatupad para mapigilan ang lalong pagkalat ng virus.
Katunayan, ilang lungsod na sa Metro Manila ang nagpapatupad ng granular lockdown sa mga lugar na may mataas na kaso ng COVID-19.
Pinahaba na rin ang curfew hours at pinagbawalan muling makalabas ang mga bata.
Ngayong tanghali, magpupulong ang Metro Manila Council (MMC) ukol sa magiging rekomendasyon nila na quarantine classification sa Agosto.