Nasa critical stage na ang health care utilization ng iba’t ibang pribadong ospital sa bansa.
Ito ay kasunod na rin nang patuloy na paglobo ng kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni Dr. Rene de Grano, President ng Private Hospitals of the Philippines Inc., na maliban sa NCR Plus areas ay nasa high risk na rin ang Region 2, 3, 4 at Region 7.
Paliwanag nito, nakakapag-comply naman ang mga pribadong ospital sa mandato ng Inter-Agency Task Force na 30% bed allocation para sa COVID-19 patients pero katwiran nito hindi rin naman maaaring itaas pa ang bed allocations para sa COVID cases dahil kukulangin naman sila ng mga staff.
Kasunod nito, ikinatuwa ng samahan ng mga pribadong ospital ang sinabi ng Department of Health (DOH) na magkakaroon ng augmentation ang mga health care workers dito sa Metro Manila mula sa ibang mga rehiyon sa bansa na mababa ang kaso ng COVID-19.
Malaking tulong aniya ito upang magkaroon ng karelyebo ang kanilang mga health workers para mapangalagaan din ang kanilang mga kalusugan.