NCR Plus mayors, pinayagan nang magpabakuna kontra COVID-19

Pinayagan nang magpabakuna laban sa COVID-19 ang mga alkalde sa Greater Manila area.

Ito ang inanunsyo ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos kasunod ng isang linggo pang pagpapalawig sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa NCR Plus.

Ayon kay Abalos, maaari nang magpabakuna ang mga local chief executives sa mga high-risk areas gaya ng Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna.


Pero ayon kay Abalos, hindi maaaring mamili ng brand ng bakuna ang mga alkalde sa harap na rin ng kasalukuyang supply ng bakuna sa bansa.

Nilinaw rin niya na nakalaan ang AstraZeneca vaccines para sa first dose ng mga senior citizens habang ang Sinovac ay para sa lahat.

Kahapon, una nang inanunsyo ng Manila City Public Information Office ang nakatakdang pagpapabakuna ni Mayor Isko Moreno-Domagoso gamit ang Sinovac vaccine.

Kasunod ito ng umano’y pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force na payagan nang makapagpabakuna ang mga alkalde mula sa mga lungsod at munisipalidad na may mataas na banta ng COVID-19.

Samantala, wala pang kumpirmasyon ukol dito ang Palasyo.

Facebook Comments