Itinuturing ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Quezon City Police District (QCPD) na naging payapa at tahimik ang katatapos lamang na ika-limang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa naging pahayag nina NCRPO Chief Police Major General Debold Sinas at QCPD Director Brig. Gen. Ronnie Montejo, bukod sa 34 na nahuli nila kaninang umaga, wala nang nadagdag pa na naarestong mga raliyista.
Muli rin siyang nagpapasalamat sa mga tumulong sa pag-oorganisa ng seguridad sa SONA ng Pangulong Duterte gayundin ang suporta ng lokal na pamahalaan.
Bukod dito, ikinatuwa rin ng NCRPO at QCPD ang pagtupad ng mga raliyista sa naging usapan nila na wala nang magkikilos protesta sa Commonwealth Avenue.
Malaki rin ang naging pasasalamat ni NCRPO Chief sa kanilang mga tauhan lalo na’t kahit sumama ang lagay ng panahon ay tiniyak nila ang pagpapaigting ng seguridad para sa araw ng SONA ng Pangulo.