NCRPO at QCPD, nagpasalamat sa pagtupad ng mga raliyista sa kanilang naging usapan

Nagpapasalamat ang National Capital Region Police Office (NCRPO) at Quezon City Police District (QCPD) sa pagtupad ng mga raliyista sa kanilang naging usapan para sa maayos na pagsasagawa ng programa sa loob ng University of the Philippines (UP).

Nabatid na sa nasabing usapan, hahayaan ang mga raliyista at hindi sila guguluhin ng mga otoridad sa pagsasagawa ng programa basta hindi sila tutungo pa ng Commonwealth Avenue.

Sa press conference ni NCRPO Chief Police Major General Debold Sinas, kasama sina QCPD Director Brigadier Geneneral Ronnie Montejo, Philippine National Police Special Action Force (PNP-SAF) Director Police Maj. Gen. Amando Empiso at PNP Human Rights Affairs Office Chief Police Brigadier General Ildebrandi Usana, umaasa sila na magpapatuloy ang kaayusan at kapayapaan hanggang sa matapos ang ika-limang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.


Aniya, matapos ang programa ng mga raliyista sa loob ng UP, agad daw nagsi-alisan ang mga ito kung kaya’t inaasahan niya na wala ng magtutungo pa at magsasagawa ng anumang kilos-protesta sa kahabaan ng Commonwealth Avenue.

Babala naman ni Sinas sa ibang grupo, partikukar ang hindi nakasama sa UP na huwag na nilang balakin pa na magsasagawa ng pagkilos sa Commonwealth Avenue dahil siguradong aarestuhin sila ng mga otoridad.

Base sa paunang datos ng QCPD, umaabot sa 1,817 ang kabuuang bilang ng mga raliyista na nagsagawa ng programa sa loob ng UP.

Samantala, walang planong patigilin o pahintuin ang daloy ng trapiko sa Commonwealth Avenue patungong IBP Road kahit pa nagsisimula na ang SONA ng Pangulo.

Nabatid kasi na ayaw ng NCRPO partikular ni General Sinas na masakripisyo ang biyahe ng publiko lalo na ang mga nagta-trabaho.

Facebook Comments