Manila, Philippines – Hawak na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kopya ng arrest order laban sa mga pinaghihinalaang kasabwat ng maute group na naghahasik ng gulo sa Marawi City.
Ayon kay NCRPO Director, Chief Supt. Oscar Albayalde – laman nito ang halos 100 pangalan at maaring ilan sa kanila ang nakatakas patungong Metro Manila.
Pinulong din ni Albayalde ang mga pinuno ng mga muslim communities para siguruhing hindi makakalusot sa kamaynilaan ang mga miyembro o sympathizers ng mga terorista.
Marami sa mga lider ang nagpahayag ng pangamba pagdating sa seguridad ng kanilang mga komunidad at diskriminasyong nararanasan dahil sa mga pangyayari sa Mindanao.
Inamin naman ni Barangay Mahalika Village, Taguig City Chairman Bai Sitti Pangandaman – na mayroong mga miyembro ng mga rebeldeng grupo sa kanilang komunidad.
Karamihan aniya, kinukukop ng mga kamag-anak.
Dahil dito, humingi na ng listahan ang NCRPO ng pangalan ng mga residente sa mga Muslim Communities sa Metro Manila para gawing database.
Babala naman ni Albayalde – mapapanagot ang mga mapapatunayang kumakanlong ng mga kalaban ng estado at mga nasa arrest order ng militar.
Sa tala ng PNP, nasa mahigit 200,000 na mga muslim ang naninirahan sa Metro Manila.