Monday, November 16, 2026

NCRPO, iginiit ang kaayusan at kaligtasan sa gitna ng iligal na protesta sa kasagsagan ng ASEAN Summits

Nanindigan ang National Capital Region Police Office o NCRPO na pangunahing prayoridad nito ang pagpapanatili ng kaayusan, kaligtasan ng publiko, at seguridad ng mga delegado sa ginaganap na ASEAN Summits.

Ayon sa NCRPO, iginagalang nito ang karapatan ng bawat isa sa mapayapang pagtitipon at patuloy na ipinatutupad ang maximum tolerance, ngunit hindi umano nangangahulugan ang malayang pagpapahayag na maaaring labagin ang batas, humarang sa daloy ng trapiko, o gumamit ng karahasan laban sa mga otoridad.

Ang pahayag ng NCRPO ay kasunod ng pagkakaaresto ng ilang indibidwal dahil sa umano’y iligal at walang permit na mga demonstrasyon.

Tatlo ang naaresto sa tapat ng University of Makati sa Taguig City noong Nobyembre 13, walo naman sa Liwasang Bonifacio sa Maynila noong Nobyembre 15, habang mahigit 200 indibidwal ang dinakip sa Sucat, Muntinlupa sa kaparehong araw.

Iginiit ng NCRPO na ang mga inaresto ay hindi dahil sa kanilang opinyon, kundi dahil sa umano’y paglabag tulad ng ilegal na pagharang sa kalsada, pagdudulot ng kaguluhan sa publiko, at pagtanggi na sumunod sa utos ng mga awtoridad.

Samantala, 15 pulis ang nasugatan sa naganap na tensyon at pakikipagtunggali sa Liwasang Bonifacio. Sinabi ng NCRPO na nabigyan na ng lunas ang mga ito at nakabalik na sa kanilang tungkulin.

Binigyang-diin ng NCRPO na maging sa mga freedom park ay kinakailangang manatiling mapayapa at naaayon sa batas ang anumang pagtitipon.

Tiniyak din ng ahensya na bibigyan ng due process at makataong pagtrato ang lahat ng mga nasangkot, ngunit nagbabala na hindi nito papayagan ang anumang kilos na magdudulot ng kaguluhan at panganib sa publiko.

Facebook Comments