Hindi lamang likas na yaman at magagandang tanawin ang maipagmamalaki ng Pangasinan, kundi maging ang mayamang kultura, natatanging tradisyon, at mga lokal na produktong sumasalamin sa pagkakakilanlan ng lalawigan.
Sa layuning higit pang maipakilala ang mga natatanging yaman ng Pangasinan sa mas maraming mamamayan at turista, kabilang sa mga hakbang na nito ang pagsasagawa ng mga patimpalak gaya ng Saniata Vlogfest, na nagsisilbing plataporma upang maipakita at maipakilala ang mga tanyag na destinasyong panturismo, mga ipinagmamalaking pagkaing lokal, kagamitang gawa sa lalawigan, gayundin ang mga makasaysayan at dinarayong simbahan sa Pangasinan.
Panalo bilang Vlogger of the year si Rustom Ora o mas kilala bilang “Akar na Pangasinense” para sa kanyang entry na may estilong mala-dokumentaryo na sinabayan ng siksik na kaalaman ukol sa Pangasinan.
Aniya, malaki ang kanilang pasasalamat sa mga tulad ng ganitong kaganapan ay nabibigyan ang mga content creators ng plataporma upang ipakita ang kanilang kakayahan.
Samantala, nagpahayag rin ng pasasalamat ang 1st runner up na si Jp “Aguy” Bagtas para sa nasabing kaganapan at kung kaimportante na nabibigyan sila ng pagkakataon para maipromote ang kultura at magandang destinasyon ng Pangasinan.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, layunin ng mga naturang aktibidad na mapalawak ang kaalaman at pagkilala ng publiko sa mga produktong maipagmamalaki ng Pangasinan, gayundin sa mga lugar na maaaring puntahan at tuklasin ng mga lokal at dayuhang turista.
Higit pa rito, nagsisilbi rin itong pagkakataon upang maibahagi sa mas malawak na madla ang yaman ng kultura at tradisyon ng lalawigan, habang nahihikayat ang mga mamamayan na maging bahagi ng pagsusulong at pagpapalaganap ng turismo. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







