Inako ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief General Jonnel Estomo ang mga napapaulat na mga kaso ng pagdukot sa Metro Manila.
Sa imbestigasyon ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs kaugnay sa serye ng kidnapping cases sa maraming lugar sa bansa, sinabi ni Gen. Estomo na tinatanggap niya ang responsibilidad sa mga nangyayaring krimen partikular na ang mga kaso ng napaulat na pagdukot sa ilang syudad sa National Capital Region (NCR).
Tiniyak din ng heneral ang publiko na hindi dapat mag-alala dahil pinaigting pa ng NCRPO ang police visibility upang tuluyang maalis na ang mga kaso ng pagdukot.
Aminado rin si Estomo na posibleng ito ay hamon sa kanyang leadership bilang regional director ng NCRPO.
Samantala, pinaalalahanan din ng heneral na ang ilang videos na kumakalat sa social media ay ilang buwan nang nangyari at ilan din ay hindi kidnapping tulad ng robbery-holdup sa Skyway sa isang Malaysian National na nangyari kamakailan.