Nasa 14,000 na mga pulis ang ipapakalat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa buong Metro Manila kasabay ng pagsisimula ng campaign period ngayong araw.
Ayon kay NCRPO Chief Director Guillermo Eleazar, asahan na ng publiko ang mas maghigpit at dagdag na mga alituntunin na itinakda ng Commission on Elections (Comelec).
Aniya, humihingi siya ng dagdag na pag-unawa sa publiko sa paghihigpit na kanilang ipapatupad.
Kasabay nito, pinaalalahanan rin ni Eleazar ang mga senatorial candidates at partylist group na makipag-ugnayan sa otoridad para masiguro ang permit tuwing magsasagawa ng political rallies at meeting de avance.
Nagpaalala rin si Eleazar sa mga pulis sa Metro Manila na panatilihin ang non-partisan position sa paghawak ng mga kaso na may kinalaman sa pulitika.