NCRPO, magpapakalat ng mahigit 800 mga pulis sa iba’t ibang vaccination center sa Metro Manila

Inihayag ng pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na magpapakalat sila ng 891 na Philippine National Police (PNP) personnel sa 5 police district sa Metro Manila para matiyak ang kaayusan sa mga vaccination center.

Ayon kay NCRPO Regional Director Police Major General Vicente Danao Jr., katuwang ng NCRPO ang 1,378 na mga force multiplier upang tiyaking naipatutupad ang social distancing at maobserbahan ang public health standards sa mga vaccination site.

Paliwanag ni Danao, lahat ng ipinakalat na mga pulis ay fully vaccinated para matiyak ang kanilang kaligtasan sa COVID-19 habang ginagampanan nila ang kanilang trabaho.


Dagdag pa ng heneral, hinaharap ng mga pulis ang malaking hamon ng banta ng kasalukuyang pandemya kung saan ay hindi lamang sa quarantine control points at quarantine facilities idini-deploy ang mga pulis.

Aniya ipinakakalat din sila bilang convoy security para sa bakuna, ruta ng seguridad para sa pagbabakuna at ibang lugar na may kinalaman sa paghahatid ng mga bakuna laban sa COVID-19.

Facebook Comments