NCRPO, makikipagpulong sa DepEd kasunod nang pagkakaaresto sa grade 6 student na nahulihan ng marijuana

Manila, Philippines – Imumungkahi ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Department of Education (DepEd) na magsagawa ng random drug test sa mga estudyante.

Ito ay makaraang mahulihan ang isang grade 6 student ng marijuana sa San Antonio Elementary School sa lungsod ng Quezon noong Biyernes.

Ayon kay NCRPO chief Director Oscar Albayalde, ito ang isa sa mga nais nilang mangyari dahil tila ang mga menor de edad na ang ginagawang tulak ng droga.


Maliban dito, nais din nilang i-suggest sa DepEd ang pagkakaroon ng seminar o pagsasagawa ng information dissemination campaign kung ano ang masamang epekto ng paggamit ng iligal na droga at ang pagtatalaga ng police assistance desk sa mga paaralan.

Paliwanag ng opisyal, ilan lamang ito sa mga nais nilang mapag-usapan sa nakatakdang pulong nila kasama ang DepEd.

Samantala, ikinababahala pa ni Albayalde na baka hindi lamang sa San Antonio Elementary School nangyayari ang ganitong iligal na transaksyon.

Kung maaalala, isang grade 6 student ang nahulihan ng 22 pakete ng marijuana sa loob mismo ng paaralan, samantalang arestado din ang 2 indibidwal na sinasabing supplier nito ng marijuana.

Facebook Comments