Inihayag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief PMGen. Edgar Alan Okubo na magpapatuloy ang nasa higit 500 nilang sasakyan para magbigay ng libreng sakay sa publiko sa ikalawang araw ng transports strike.
Ayon kay Okubo, bukod sa pagbibigay ng libreng sakay, ang mga sasakyan na ipinakalat ay para magbigay seguridad at kaligtasan sa buong Metro Manila.
Dagdag pa ni Okubo, “generally peaceful” ang unang araw ng nationwide transport strike sa NCR kung saan patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para sa koordinasyon at iba pang tulong.
Aniya, nasa 4,374 pulis mula sa limang distrito ng NCRPO ang kanilang ipinakalat kabilang ang 200 personnel mula sa Regional Mobile Force Battalion (RMFB) kung saan nakaalerto ang lahat sakaling muling may magkasa ng kilos-protesta bilang pagsuporta sa transport strike.
Nagpapasalamat rin si Okubo sa ibang pribadong organisasyon na tumulong at umalalay sa mga pasahero para hindi maabala kung saan binabantayan at minomonitor naman nila ang ibang tsuper at operators ng pampasaherong jeep na mas piniling bumiyahe sa halip na sumama sa transport strike.