NCRPO, may nakitang security lapses na ipinatutupad sa Central Park Tower Condominium sa Pasay

Manila, Philippines – May nasisilip nang kapabayaan si National Capital Region Police Office Director Oscar Albayalde sa seguridad na ipinatutupad sa Central Park Tower Condominium sa Pasay City.

Ito ay matapos mag-amok at manaksak kahapon ang lalaking si Robert Garan kung saan anim katao ang nasawi kasama na ang suspek.

Unang nakitang kapabayaan ni Albayalde ang pag-amin ng mga gwardiya na wala sa kanila ang nakaposte at nagmo-monitor sa CCTV area ng condominium.


Kung may gwardiya aniya na nakabantay sa CCTV area, tiyak na makareresponde ang mga ito lalo’t mag-isa lamang ang suspek at armado lamang ng kutsilyo.

Maliban dito, dapat agad ding tatawag sa pulis ang mga gwardiya para ipabatid na may komosyon kung agad nilang namonitor na may nagaganap nang pananaksak sa 22nd floor ng condo.

Sa ngayon, pinag-aaralan na ngayon ng PNP Supervisory Office for Security and Investigation Agencies o SOSIA kung anong parusa ang posibleng ipapataw sa security agencies na nakatalaga sa condominium.

Sisilipin din ng PNP kung sapat ang bilang ng mga gwardiya na nagbabantay sa condo.

Facebook Comments