Manila, Philippines – Pinag-aaralan na ngayon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kung sinu-sino ang ipapalit sa 3,500 Caloocan City policemen na sinibak kamakailan dahil sa kaliwa’t kanang kontrobersiya na kanilang kinasasangkutan.
Ayon kay NCRPO chief Director Oscar Albayalde, sa ngayon tinutukoy na ng kanilang Technical Working Group And Directorial Staff kung saan huhugutin ang nabanggit na bilang ng mga pulis.
Sinabi pa ni Director Albayalde na si NCRPO deputy for administration Chief Superintendent Rolando Nana ang nakatoka sa background check sa mga ipapalit na pulis.
Matatandaang sinibak ang buong pwersa ng Caloocan City Police District dahil dawit ang mga ito sa pagpatay sa Grade 11 student na si Kian Lloyd Delos Santos, gayundin sa malagim na pagpaslang kay Carl Angelo Arnaiz at kamakailan lang, nadawit ulit ang Caloocan police dahil sa pagnanakaw ng pera at alahas sa isang 51-anyos na ginang sa Barangay 188, Tala district.
Ang mga sinibak na pulis ay dadaan sa retraining sa Camp Bagong Diwa sa Taguig.