Manila, Philippines – Binuweltahan ni National Capital Region Police Office Chief Director Oscar Albayalde ang pagpuna ng isang mambabatas sa paggawad sa Caloocan Police District bilang ‘Best city Police Station’ sa kabila ng kaliwa’t kanang kontrobersiya na kinasasangkutan nito.
Ayon kay Albayalde sakop ng parangal ay noon pang Enero hanggang Disyembre ng taong 2016 o nung isang taon pa.
Iginawad lamang aniya ito nitong Aug 18 kasabay ng 116th Police Service Anniversary kung saan itinanghal ang Caloocan City Police bilang may pinaka mataas na accomplishment sa Project Double Barrel/Barrel Alpha ng Duterte administration.
Payo pa ni Albayalde sa mambabatas, alamin muna ang detalye bago mag-kumento.
Una nang binatikos ni Akbayan party-list Representative Tom Villarin ang paggawad sa Caloocan City Police District bilang best police station dahil sa dawit ang mga tauhan nito sa pagpatay sa grade 11 student na si Kian Lloyd Delos Santos maging kay Carl Angelo Arnaiz at kamakailan, na-hulicam ang pagsalakay ng mga tauhan ng Caloocan Police District na nagsasagawa ng warrant less arrest at inireklamo pa ng ilang residente na nagnakaw ng pera at ilang mamahaling gamit.