Bilang pagsunod sa utos ng Pangulong Rodrigo Duterte, sinimulan na ng National Capital Region Police Office o NCRPO ang pag-papatupad ng ban sa importasyon at pag-gamit ng vape sa pampublikomg lugar.
Dahil dito, sampung katao mula sa Sta. Cruz at Malate sa Maynila at sa Makati City ang kanilang hinuli kung saan ini-record nila ang mga ito sa blotter book ng pulisya.
Ayon kay NCRPO Acting Regional Director, Police Brig. Gen. Debold Sinas, kanila din kinumpiska ang mga vape products ng mga naaresto habang nakikipag-ugnayan na sila sa mga lokal na pamahalaan para tumulong sa pagpapatupad ng nasabing kautusan ng Pangulo.
Maging ang mga mall at vape store owners ay kanila na din kinausap para ipaalala ang implementasyon ng ban.
Sinabi pa ni sinas na naglabas na din siya ng kautusan na “No Vape Zone” sa loob ng kanilang kampo maging sa bawat himpilan ng pulisya.
Pinaalalahanan din ng opisyal ang bawat pulis na sumunod sa inilabas na kautusan at sila daw dapat ang manguna sa pag-babawal ng pag-gamit ng vape.