Salpukan ng Motorsiklo at Sasakyan, 3 Babae Patay!

2490

Cauayan City, Isabela- Patay ang tatlong babae na sakay ng motorsiklo matapos salpukin ng kasalubong na sasakyan sa kahabaan ng Brgy. Payac, Jones, Isabela.

Kinilala ang drayber ng Yamaha mio na si Angel E. Bolusan, residente ng San Isidro, Santiago City habang ang kanyang dalawang angkas ay sina Evangelyn F. Salvador, residente ng Brgy. Villasis, Santiago City at Ann Claire Marie A. Camarao ng Brgy. Batal, Santiago City.


Batay sa imbestigasyon ng PNP Jones, habang binabaybay ng mga biktima ang lansangan ay biglang umagaw sa kanilang linya ang kasalubong na Isuzu DMax pick-up na minamaneho ni Sonny Boy Matias, 29 anyos, may-asawa, miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at residente ng Brgy. Magassi, Cabagan, Isabela na dahilan ng kanilang head-on collision.

Sa tindi ng salpukan, nagtamo ng matinding pinsala at bali sa katawan ang mga sakay ng motorsiklo na sanhi ng kanilang pagkamatay habang maswerte namang hindi nasugatan ang drayber ng sasakyan.

Dinala na sa himpilan ng pulisya ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon.

Posibleng maharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Homicide and damage to property ang suspek.




Facebook Comments