NDF Consultant Randy Malayao, Patay matapos pagbabarilin sa Loob ng Bus!

Patay ang consultant ng National Democratic Front na si Ginoong Felix Randy Paraggua Malayao matapos pagbababarilin ng hindi pa nakikilalang suspek habang sakay ng isang pampasaherong bus pasado alas dos kaninang madaling araw partikular sa CCQ restaurant, Darapidap Aritao, Nueva Vizcaya.

Sa ipinarating na impormasyon sa RMN Cauayan mula sa PRO2, galing umano sa Maynila si Malayao at nang pumarada ang sinakyan nitong bus sa nasabing kainan ay bigla na lamang itong nilapitan ng gunman at pinagbabaril ng dalawang beses na sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Agad na tumakas ang mga suspek lulan ang isang Mio matapos ang pamamaril. Sa pagresponde ng SOCO Team, narekober mula sa pinangyarihan ng krimen ang isang bala at dalawang pirasong fired cartridge case.


Nasa Everlasting Funeral Homes, Poblacion, Aritao, Nueva Vizcaya na ang labi ni Malayao habang patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad sa naturang insidente.

Magugunita na si Ginoong Randy Malayao, 49 anyos, residente ng ng Brgy. Minanga Norte, San Pablo, Isabela ay isang matindi at aktibong kritiko ng pamahalaan sa mga usaping may kaugnayan sa mga umanoโ€™ y Extra Judicial Killings (EJK) at mga paglabag sa mga karapatang pantao ng pamahalaang Duterte at mga nagdaang mga pinuno ng pamahalaan.

Siya rin ay aktibo at kasama sa mga nakikipag usap para sa panig ng National Democratic Front kaugnay sa ilang ulit ng pagkakaantala ng usaping pangkapayapaan sa pagitan ng Pamahalaan at ng CPP-NPA NDF.

Facebook Comments