Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC na may isang nawawala dahil sa pananalasa ng Bagyong Goring.
Pero ang nasabing missing individual ay sumasalang pa sa beripikasyon.
Samantala, patuloy pang nadagdagan ang bilang ng mga indibidwal na naapektuhan ng bagyo.
Sa pinakahuling datos ng NDRRMC sumampa na sa 56,410 pamilya o katumbas ng mahigit 196,000 indibidwal ang naapektuhan mula sa Regions 1, 2, 3, 6, CALABARZON, MIMAROPA at Cordillera Administrative Region.
Sa nasabing bilang, 9,000 pamilya o 35,000 mga indibidwal ang pansamantalang nanunuluyan sa 376 mga evacuation centers habang yung nasa halos 14,000 katao ay mas piniling makituloy muna sa kanilang mga kamag anak o sa labas ng evacuation center.
Sa ngayon, lubog pa rin sa baha ang nasa 193 lugar sa ilang rehiyon kung saan nakapagtala din ng landslide, buhawi at isang maritime incident sa Region 6.