
Umaapela si National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director at Office of Civil Defense (OCD) Administrator Usec. Ariel Nepomuceno sa publiko na maghanda laban sa banta ng matinding init dulot ng paghina ng Northeast Monsoon sa bansa.
Sa inilabas na memorandum, inaatasan ng NDRRMC ang mga ahensya at Local Disaster Risk Reduction Management Councils (LDRRMCs) na tiyaking may sapat na proteksiyon at medical equipment para sa emergency.
Binigyang-diin pa ni Nepomuceno ang kahalagahan ng maagap na paghahanda dahil sa inaasahang pagtaas ng heat index mula kalagitnaan ng Marso hanggang katapusan ng Mayo.
Base pa sa memorandum, inaatasan ng NDRRMC ang lahat ng Regional Disaster Risk Reduction Management Councils (RDRRMCs) at LDRRMCs na tiyakin ang sapat na suplay ng gamot, at protective gear upang maiwasan ang heat exhaustion at heat stroke.
Pinapayuhan din ang publiko na limitahan ang pananatili sa labas, uminom ng maraming tubig, umiwas sa tsaa, kape, soft drinks, at alak, gumamit ng panangga sa init tulad ng payong at sombrero, at iwasan ang mabibigat na gawain habang tirik ng araw.
Kasunod nito, tiniyak ng OCD na handa silang tumugon sa anumang emergency kaugnay ng matinding init ng panahon.