
Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paglalabas ng P700 million na pondo para sa pagtatayo ng Child Development Centers (CDC) sa mga Low-Income Municipality.
Kasunod ito ng hiling ng Early Childhood Development (ECD) proponents kay Pangulong Bongbong Marcos na maglaan ng pondo sa loob ng susunod na tatlong taon para mabigyan ng access ang mga mahihirap na barangay sa Early Childhood Education (ECE).
Sa sectoral meeting sa Malacañang, kasama ang Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) at iba pang ahensya, iminungkahi ng Pangulo na gawing CDC ang mga daycare center dahil pareho lamang ang pagsasanay sa mga guro at naroon na rin ang mga bata.
Inaatasan din ang mga kaukulang ahensya na paramihin ang graduates sa kursong may kaugnayan sa ECE, lalo na sa mga rehiyong may kakulangan early childhood teachers.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, malaki ang maitutulong ng ECD initiatives sa pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon sa bansa.
Mababawasan rin ang drop-out rate, at tataas naman ang completion rate at literacy ng mga batang mag-aaral.
Sa ulat ng EDCOM, may 5,800 barangay pa sa bansa ang wala pang CDCs at 229 sa mga barangay na ito ang kabilang sa mga mahihirap na Local Government Units (LGUs).
Tiniyak naman ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng pondo para sa mga itatayong CDCs ngayong taon na idadaan sa Local Government Support Fund.