Kinumpirma ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang pagkamatay ng limang rescuers dahil sa flash flood sa San Miguel, Bulacan sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Karding.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni NDRRMC Deputy Spokesperson Assistant Secretary Raffy Alejandro na ang mga naturang rescuers ay nalunod sa Barangay Camias sa San Miguel, Bulacan, kung saan natagpuan ang kanilang mga bangkay sa iba’t ibang lugar sa Sitio Banga Banga ng nasabing barangay.
Kinilala ang mga nasawi na sina Narciso Calayag, Jerson Resurecion, Marvy Bartolome, George Agustin, at Troy Justin Agustin na pawang mga miyembro ng Bulacan Provincial Rescue Team.
Una nang kinumpirma ni Bulacan Governor Daniel Fernando ang pagkasawi ng limang rescuers, kung saan tinangay ng flash flood ang mga ito habang nagsasagawa ng rescue operations kagabi.
Dagdag pa ng gobernador, bumigay kasi ang isang pader dahil sa lakas ng pressure ng tubig, kung saan tinamaan ang limang rescuers habang nasira ang kanilang sinasakyang bangka.
Samantala, inihayag din ni Alejandro na patuloy nila na bineberipika ang mga ulat tungkol sa anim na mangingisda na nawawala sa Camarines Norte sa Bicol Region.
Nagkaroon din aniya ng unvalidated report tungkol sa isang residenteng natabunan sa landslide sa Bordeos, Quezon.