Inihayag ng pamunuan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na magsasagwa ito ng nationwide simultaneous earthquake drill ngayong buwan.
Ayon kay Mark Timbal, taga-pagsalita ng NDRRMC, ito ay una ngayong taon bilang bahagi ng kanilang education and awareness drive kung ano ang dapat gawin upang maging ligtas sakaling magkaroon ng malakas na lindol.
Pero aniya, kakaiba ang earthquake drill na mangyayari dahil gagawin itong online at live na mapapanood sa kanilang official Facebook account sa March 11, 2021 pasado alas- 2:00 ng hapon.
Sinabi pa ni Timbal na nasa batas na apat na beses dapat magsagawa ng earthquake drill kada taon kaya naman quarterly ito isinasagawa.
Panawagan niya sa publiko na makiisa sa nasabing earthquake drill para magkaroon ng tamang kaalaman at hindi mataranta kung magkaroon ng lindol sa bansa.