Muling nagbabala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa publiko na mag-ingat at maging handa dahil sa nararanasang pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng masamang lagay ng panahon sa ilang bahagi ng bansa.
Nagpaalala pa si NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad sa mga residente na nakatira sa mga mababang lugar, tabi ng ilog at mga kabundukan na mag-ingat sa tumataas na tsansa ng pagbaha at pagguho ng lupa gayon din ang patuloy na pakikipag-ugnayan at pagsunod sa mga awtoridad at palaging pagsubaybay sa mga abiso at ulat panahon.
Matatandaan nitong mga nakalipas na araw nakaranas ng malakas na pag-ulan at pagbaha ang Banaue sa Ifugao kung saan naapektuhan ang nasa halos 2,000 katao.
Samantala, naglabas narin ang NDRRMC ng abiso mga apektadong rehiyon at lokal na pamahalaan hinggil sa mga karampatang paghahanda at mga aksyon gaya ng pagsasagawa ng evacuation, pag-preposition ng family food packs, pagpapadala ng abiso sa apektadong lugar, at iba pa.