Nagbabala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ng panibagong serye ng pagbaha, landslide at lahar flow sa Bicol Region.
Kasunod ito ng inaasahang pagtama ng Bagyong “Ulysses” sa rehiyon.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Mark Timbal, inaasahang magdadala ng maramihang pag-ulan ang panibagong bagyo na lalong magpapataas sa tyansa ng pagbaha, landslide at lahar flow.
Dahil dito, asahan na aniyang ma-e-extend pa ang pananatili sa evacuation centers ng mga pamilyang sinalanta ng Bagyong Rolly.
Tiniyak naman ng NDRRMC na patuloy ang pagbibigay nila ng augmentation relief support gaya ng pagkain, tubig at hygiene kits sa mga evacuees.
Pinaalalahanan din ng ahensya ang mga Local Government Unit (LGU) na ipagpatuloy ang kanilang paghahanda sa paparating na bagyo.
“It’s possible po na ma-e-extend ang kanilang pag-stay to ensure po na hindi sila malalagay sa panganib kapag bumalik sila sa community level. Dahil ngayon po na uulan na naman ng malakas, tumataas po lalo ang tyansa ng mga pagbaha, landslide at yang pangyayari muli ng lahar flow,” ani Timbal sa interview ng RMN Manila.