Pinag-iingat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga nakatira sa Hilagang Luzon sa posibleng landslides na dulot ng Bagyong Siony.
Ayon kay NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad, mahalagang magpatupad ng precautionary measures ang mga local chief executives sa Cordillera, Ilocos, Cagayan Valley.
Aniya, malakas na ulan ang dala ng bagyo kaya maaari itong magdulot ng pagguho ng lupa sa mga matataas na lugar.
Dagdag pa ni Jalad, importanteng nakahanda ang mga lokal na pamahalaan sa magiging epekto ng bagyo.
Ang local government at disaster preparedness officials sa tatlong rehiyon ay lumahok sa pre-disaster risk assessment ng NDRRMC para talakayin ang mga plano na layong maiwasan ang casualty.
Ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ay naglabas na rin ng abiso sa Local Government Units (LGU) sa mga rehiyon para sundin ang mga patakaran sa ilalim ng Operation ‘Listo’ kabilang ang pagpapatupad ng pre-emptive evacuation.
Pre-positioned na rin ang mga family food packs at iba pang relief items ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga maaapektuhan ng bagyo.
Nakahanda rin ang mga tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa posibleng pinsalang iiwanan ng bagyo sa imprastraktura habang nakahanda na rin ang recovery interventions ng Department of Agriculture (DA), Department of Labor and Employment (DOLE), at Department of Trade and Industry (DTI).