NDRRMC, nagbabala sa publiko laban sa mga nagpapanggap na opisyal ng kanilang ahensya para makahingi ng donasyon

Nagbabala si National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Mark Timbal sa publiko na mag-ingat sa mga scammer na ginagamit ang pangalan ng mga opisyal ng NDRRMC para manghingi ng donasyon.

Ayon Kay Timbal, nakatanggap sila ng mga report na may mga tumatawag mula sa “unknown number” sa mga supplier at private citizens na nagpapakilalang si NDRRMC Executive Director at Office of Civil Defense Administrator Undersecretary Ricardo Jalad o iba pang opisyal ng NDRRMC.

Nanghihigi umano ang mga ito ng cash donation at ipinapa-deposito sa pamamagitan ng money transfer.


Babala ni Timbal sa publiko na huwag magpapabiktima sa ganitong modus.

Nakipag-ugnayan na aniya ang NDRRMC sa mga telecommunication companies para i-trace at i-block ang mga naturang “unknown caller”.

Nakikipag-ugnayan na rin aniya sila sa Philippine National Police (PNP) para mahuli ang mga scammer.

Panawagan din ni Timbal sa publiko na i-report sa ahensya kung sila ay nakatanggap ng “solicitation” gamit ang pangalan ng NDRRMC para agad mabigyang aksyon.

Facebook Comments